“Kaya si Hesus sa kanyang katawang-tao, siya ay kabilang sa sangkatauhan na pinaglihiman ng Diyos na malaman ang eksaktong oras ng Huling Araw.”
Inakusahan na taludtod:
[Marcos 13:32] Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.
SAGOT: Sinabi ni Hesus na bumaba siya mula sa Langit upang gawin lamang ang kalooban ng Ama [Juan 6:38]. Hindi siya pumunta sa mundo para gawin ang sarili niyang pagkukusa. Ibig sabihin, kayang gawin ni Hesus ang lahat, kaso lang, sinunod niya ang kalooban ng Ama. Marami siyang tungkulin na inatas ng Ama sa kanya sa pagpunta dito sa mundo; siya ay itinalaga bilang tagapagligtas o tagapagdalisay ng mundo, tagapagpatibay o tagapatunay ng batas, tagadala ng bagong tipan, tagapagpatayo ng Kaharian ng Dyos o Iglesia, at bilang propeta o tagapagsalita ng Ama. Bilang propeta o tagapagsalita ng Ama, sinabi lamang niya ang iniutos ng Ama na kanyang sasabihin. Basahin natin ang sinabi ni Hesus;
[Juan 12:49] “Sapagka’t hindi ako nagsasalita sa Aking sariling pagkukusa, kundi ang Ama na nagsugo sa Akin ay nagbigay sa Akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang bigkasin.
Si Hesus ay nagsasalita sa ilalim ng kalooban ng Ama na nag-utos sa kanya na luwalhatiin Siya. Kung luwalhatiin mo ang isang tao ibig sabihin pinupuri, dinadakila, pinararangalan, iginagalang, o pinaglilingkuran mo siya. At iyan ang ginawa ni Hesus sa Ama, pakibasa;
[Awit 50:15] At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan: ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.
[Juan 17:4] “Niluwalhati Kita sa lupa, nang matupad ko ang tahas na ibinigay Mo sa Akin upang gawin.
[Juan 11:41-42] Inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa Iyong pakikinig sa Akin. Alam kong lagi Mo Akong naririnig. Ngunit sinabi Ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila ay maniwala na Ikaw ang nagpadala sa Akin.”
KOMENTO: Sa talatang ito si Hesus ay nagbigay rason kung bakit Siya tumingala sa langit at nagpasalamat sa Ama, ito ay para maniwala ang mga tao na siya ay sinugo ng Ama. Sa aktang ito, niluluwalhati ni Jesus ang Ama sa mga mata ng mga taong nagmamasid sa kanya.
Bilang kapalit, niluluwalhati ng Ama si Hesus. Niluwalhati ng Ama at ng Anak ang isa’t isa. Bakit niluluwalhati ng Ama si Hesus kung hindi siya banal? Pakibasa;
[Juan 13:31-32] Sinabi ni Hesus, “Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluluwalhati sa Kanya; kung ang Diyos ay niluluwalhati sa Kanya, ang Diyos ay luluwalhatiin din Siya sa Kanyang sarili, at luluwalhatiin Siya kaagad
[Juan 17:1] Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito; at sa pagtingala ng Kanyang mga mata sa langit, sinabi Niya, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang Iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
Sinabi rin ni Hesus na siya at ang Ama ay iisa [Juan 10:30 & Isaiah 9:6], at siya ay nasa Ama at ang Ama ay nananahan sa kanya;
[Juan 14:10-11] Hindi ba kayo naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga bagay na sinabi ko sa iyo ay hindi nagmula sa akin. Ang Ama ay nanahan sa akin, at ginagawa niya ang kanyang sariling gawain. Maniwala kayo sa akin kapag sinabi kong ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. O maniwala kayo dahil sa mga milagrong ginawa ko.
Ang alam ng Ama ay alam din ng Anak dahil iisa sila sa kalikasan. Anuman ang ginagawa ng Ama, ginagawa din ng Anak [Juan 5:19]. Alam ni Hesus ang eksaktong Oras, ngunit itinabi Niya ito dahil sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa katunayan, hindi lamang niya alam kung ano ang mangyayari pagkatapos ng Araw ng Kapighatian, kundi siya ay darating na may dakilang kapangyarihan. Sinabi niya sa Marcos 13:24-27;
24 Ngunit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,
25 At ang mga bituin sa langit ay mangahulog, at ang mga kapangyarihan sa kalangitan ay mangayayanig.
26At pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
27At kung magkagayo’y susuguin niya ang kaniyang mga anghel, at titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa kahulihulihang bahagi ng lupa hanggang sa dulo ng langit.
Si Hesus ay Diyos sa espiritu at tao sa katawan. Sa kanyang pagiging tao, nanalangin siya sa Ama dahil iyon ang dapat gawin ng tao. Sa kabilang panig, sa kanyang banal na kalikasan, tinanggap niya ang pagsamba mula sa mga tao [Lucas 24:52]. Hindi para sa mga tao na malaman ang eksaktong oras na itinakda ng Diyos [Mga Gawa 1:7], kaya si Hesus sa kanyang katawang-tao, siya ay kabilang sa sangkatauhan na pinaglihiman ng Diyos na malaman ang eksaktong oras ng Huling Araw.
Isa pa, isipin mo ang sitwasyon kung sasabihin ng Diyos sa mga tao ang eksaktong oras ng Araw ng Paghuhukom, ano ang mangyayari? Tiyak na magkakaroon ng matinding pagkataranta sa bisperas ng sakuna ng Araw na iyon. Inilarawan ni Hesus ang Huling Araw bilang pinakanakakatakot na sandali ng mga tao. Ang mga tao ay tatakas sa mga yungib sa mga bato at mga siwang sa mga bangin, malayo sa kasindakan [Isaias 2:21]. Ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa langit ay mayayanig [Mateo 24:29], ang araw ay titigil sa pagsikat, at ang mundo ay mapupuno ng kadiliman. Tulad ng eksaktong oras ng ating kamatayan, kailangan itong itago ng Diyos para hindi tayo mataranta at masindak ng todo. Bukod nito, sinadyang itago ng Diyos ang bagay na ito sa atin upang subukin ang ating pananampalataya sa Kanya.
∼ο∼
BASAHIN DIN: Kung si Hesus ay Diyos, bakit Siya ay may simula?